Phl Azkals umangat sa 143 sa FIFA rankings
MANILA, Philippines - Umangat na sa pinakamataas na FIFA ranking na 143 ang Pilipinas sa larangan ng football.
Sa bagong listahan sa puwestuhan ng mga bansang naglalaro ng number one sport sa mundo, ang Pilipinas ay lumundag ng apat na baytang mula sa 147 place noong Oktubre base sa talaan na ipinalabas kahapon (Nobyembre 7).
Nasa ika-20th puwesto na rin ang bansa sa Asia at nasa ikalawa sa South East Asia.
Ang Vietnam ang nangunguna sa South East Asia nang umangat ng dalawang hakbang sa 138 habang ang Thailand na dating number two sa rehiyon ay bumaba ng pitong baytang at ngayon ay nasa ika-146 puwesto.
Umangat ang bansa dahil sa magandang kinalabasan ng laro ng Azkals sa isinagawang Middle East Training noong Oktubre.
Nauwi sa scoreless draw ang laro ng Azkals at Bahrain noong Oktubre 12 bago natalo sa Kuwait sa dikitang 2-1 iskor noong Oktubre 16.
“It shows we’re improving. Our efforts are paying off,” wika ng pangulo ng Philippine Football Federation (PFF) Mariano Araneta.
Nauna na ring sinabi ni Azkals manager Dan Palami ang pakiramdam na magiging number one ang Pilipinas sa South East Asia sa pagtatapos ng taong 2012.
Mangyayari ang bagay na ito kung maganda ang ipakikita ng Azkals sa AFF Suzuki Cup mula Nobyembre 24 hanggang 30 sa Bangkok, Thailand.
Kasama ng Pilipinas ang host Thailand, Vietnam at Myanmar at kung makapagtala ng panalo o tabla ang Azkals sa unang dalawang koponan ay titibay ang pag-asang maging number one ang Pilipinas sa rehiyon.
- Latest