Maluyo, Jaro may tiket na sa Milo Marathon Nat’l Finals
MANILA, Philippines - Wala ang mga Kenyans na dati ay sumasali kaya’t mas naging madali ang hinanap na panalo ng machine operator na si Gilbert Maluyo sa Milo Marathon elimination sa General Santos City kahapon.
Sa 21-kilometro idinaos ang tagisan at ang 31-anyos na si Maluyo ay naorasan ng isang oras, 14 minuto at 12 segundo para dominahin ang kalalakihan.
Ang oras na ito ang pinakamabilis na naitala ni Maluyo sa apat na taong paglahok at hinigitan niya ang 1:14:54 na noong nakaraang taon na kanya ring pinagharian katunggali ang Kenyan na si David Kipoech.
Tinangka ni Elmer Bartolo na bigyan ng magandang laban ang nagdedepensang kampeon pero naubos siya habang lalong tumulin ang katunggali habang tumatagal ang karera.
Mahigit na isang minuto ang inilayo ni Maluyo kay Bartolo na may 1:15:24 habang si Arnie Macaneras ang pumangatlo sa 1:18:42.
“Will to win na manalo ang nagdala sa akin sa panalo. Ito na ang best performance ko,” wika ni Maluyo.
Ang beteranang si Criselyn Jaro ang siyang nanguna sa kababaihan sa naitalang 1:31:23 at kinailangan niya ng malakas na sprint para talunin si Monalisa Ambasa na may 1:31:38 oras. Ang ikatlong puwesto ay napunta kay April Rose Diaz sa 1:32:25.
Sina Maluyo at Jaro ay parehong aabante sa National Finals sa Disymebre 9.
- Latest