MANILA, Philippines -Muling ipinamalas ni National pistol champion Nathaniel “Tac” Padilla ang kanyang husay nang angkinin ang tatlong titulo sa National Open shooting championships sa Marines range sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Napanatili ng 48-anyos na si Padilla, ang general manager ng Spring Cooking Oil, ang kanyang porma sa kanyang pang 35-taon na paglalaro kasabay ng pagpapatunay ng kanyang galing bilang national champion.
Dinomina ni Padilla ang mga labanan sa rapid fire, center fire at standard pistol competitions.
Nagpaputok si Padilla ng 550 points para talunin sina Robert Donalvo (537) at Ronaldo Hejastro (533) sa rapid fire, nagtala ng 546 upang ungusan sina Donalvo (536) at kapwa Asian Gamer Carolino Gonzales (533) sa center fire at naglista ng 541 para biguin sina Hejastro (539) at Donalvo (537) sa standard pistol.
“I really prepared hard for the national tournament,” sabi ni Padilla, nakamit ang una niyang national crown noong 1978 nang siya ay halos 13-anyos pa lamang.
Iginupo naman ni rifleman Jayson Valdez si many-time SEAG champion Emerito Concepcion sa 10-meter air rifle event mula sa kanyang 588 kumpara sa 585 ng huli at 583 ni Celdon Jude Arellano.
Ang iba pang gold medalists sa torneong inorganisa ng Philippine National Shooting Association ay sina Carolino Gonzales, Venus Lovelyn Tan, Edwin Fernandez at Inna Therese Gutierrez.