MANILA, Philippines - Walong Filipino cue artists ang isasalang ng bansa sa 37th Annual US Open 9-ball Championship mula Oktubre 21 hanggang 27 sa Holiday Inn Virginia Beach-Norfolk Convention Center sa Virginia, USA.
Mangunguna sa delegasyon si China Open champion Dennis Orcollo habang ang iba pang batikang manlalaro na isasabak sa aksyon ay sina Francisco Bustamante, Ronato Alcano at Warren Kiamco.
Si Kiamco ay nasa US na at mataas ang kumpiyansa na sasali sa US Open matapos pagharian ang Open/Pro event ng Predator Tour na natapos noong Linggo sa The Cue Bar sa Bayside, New York.
Tinalo ni Kiamco si Earl “The Pearl” Strickland ng USA, 9-7, para bitbitin din ang $3,025.00 unang gantimpala.
Kukumpletuhin nina Carlo Biado, Israel Rota, Santos Sambajon at Ramon Mistica ang manlalaro ng Pilipinas sa prestihiyosong 9-ball event sa US.
Hanap ng mga panlaban na magkaroon uli ng Pinoy na titingalain sa US Open.