LINGAYEN, Pangasinan, Philippines --Kaagad na nagpakita ng lakas ang host province nang kumuha ng pitong gintong medalya sa athletics competition, samantalang isang Grade 7 pupil mula sa Olongapo ang nagreyna sa tatlong swimming events sa pagsisimula ng Northern Luzon leg ng 2012 POC-PSC Batang Pinoy kahapon dito.
Ang mga ginto ng Pangasinan ay nagmula kina Briceline Soriano sa girls’ 13-under long jump (4.07-meter), Rona Joy Casem sa girls’ 13-under 2,000m walk (14:13.2) Rolando Bandarlipe sa boys’ 13-under 2,000m walk (13:55.9), Teofilo Manawat sa boys’ 14-15 shot put (11.18m), Irene Tabora sa girls’ 14-15 high jump (1.37m), Rico Navarro sa boys’ 13-under long jump (4.73m) at Karen Cayetano sa girls’ 14-15 shot put (8.38m).
“Ito po ang una kong pagsali sa Batang Pinoy, kaya hindi ko po inaasahan na mananalo ako,” sabi ng 11-anyos na si Soriano, ang inang si Emily ay guro sa Quevedo Aniska Elementary School at ang amang si Renato ay isang Municipal Councilor, matapos ang kanyang panalo sa Narciso Ramos Sports Complex.
Sa swimming event sa Dagupan Poolsite, tatlong gold medal ang nilangoy ni Jamleth Marie Villanueva, isang Grade 7 pupil ng Regional High School sa Olongapo, sa girls’ 11-12 200m backstroke (2:51.82) at 200m butterfly (3:03.02) at nakasama sa koponan sa girls’ 15-under 4x50m medley (2:31.17).
Nag-ambag ng ginto si Heleina Raine Teopo sa girls’ 13-15 100m freestyle (1:08.74).
Kagaya ng Olongapo, apat na ginto din ang inangkin ng Malolos sa swimming, habang may tig-dalawa ang La Union, Bulacan at San Juan.
Ang mga nanalo para sa Malolos ay sina Elizabeth Ann Belarmino (girls’ 13-15 200m backstroke), John Angelo Vitug (boys’ 13-15 100m freestyle), Denisse Crystel Cruz (girls’ 12-under 50m breaststroke) at James Alfon Ellsworth (boys’ 13-15 50m breaststroke).
Nauna rito, itinakbo ng isang anak ng fish vendor sa San Fabian ang unang gintong medalya sa athletics event.
Nagrehistro si Baguio City bet Erwin Generalao, ang amang si Irineo ay isang fish vendor sa San Fabian, Pangasinan, ng bilis na 17:18.9 sa boy’s 14-15 years-old 5,000-meter run para ungusan si Ace Joshua Hipona ng Candon, Ilocos Sur (18:48.3) at Reymark Quezada (18:54.3).