MANILA, Philippines -Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling nagpakita ng magandang laro si 2012 PBA Draft No. 4 overall pick Cliff Hodge.
Umiskor si Hodge ng 20 points para tulungan ang Meralco sa 93-86 panalo laban sa Alaska para sa kanilang unang panalo sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nanggaling ang Bolts sa 110-112 overtime loss laban sa nagdedepensang Talk ‘N Text Tropang Texters noong nakaraang Biyernes kung saan tumipa ang 6-foot-4 na si Hodge ng 19 markers para sa kanyang unang laro bilang rookie.
Ito naman ang ikalawang sunod na kabiguan ng Aces makaraang yumukod sa San Mig Coffee Mixers, 83-103.
“It was a hard fought battle. It was physical out there,” sabi ni Hodge, nasiko sa bibig ni Gabby Espinas sa gitna ng fourth quarter kung saan angat ang Meralco sa Alaska, 85-74, na kanilang pinalaki sa 93-78 may 1:44 sa laro.
Matapos iposte ng Bolts ang isang 15-point lead sa kaagahan ng third period ay nakalapit naman ang Aces sa 71-80 sa 7:56 ng fourth quarter sa likod nina Espinas, JVee Casio at Dondon Hontiveros.
Ngunit i sang 13-7 atake ang ginawa nina Hodge, Mac Cardona, Reynel Hugnatan at Sunday Salvacion upang muling ilayo ang Bolts sa Aces, 93-78, sa huling 1:44 nito.
Nag-ambag ng15 markers si Espinas at may 12 naman si Casio para sa Alaska.
Meralco 93 - Hodge 20, Cardona 16, Buenafe 13, Mercado 10, Salvacion 10, Hugnatan 8, Nabong 6, Reyes 4, Borboran 2, Sharma 2, Artadi 2, Belencion 0.
Alaska 86 - Baguio 19, Thoss 17, Espinas 15, Casio 12, Hontiveros 9, Baracael 4, Bugia 4, Dela Cruz 4, Reyes 2, Jazul 0, Eman 0.
Quarterscores: 24-24; 50-44; 76-64; 93-86.