Laro Ngayon
(MOA Arena, Pasay City)
3:30 pm Ateneo vs 75TH UAAP FINALS
MANILA, Philippines - Rambulan para sa unang panalo ang magaganap sa pagitan ng four-time defending champion Ateneo at UST sa pagsisimula ng 75th UAAP men’s basketball finals ngayon sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Ang natatanging laro ay itinakda sa ganap na alas-3:30 ng hapon at tiyak na sulit ang ibinayad ng mga panatiko ng magkabilang koponan dahil hitik ito sa aksyon dahil halos magkasukat ang lakas ng Eagles at Tigers.
Pinaghatian ng dalawang koponan ang naunang dalawang tagisan sa elimination round at nakauna ang Tigers, 71-70, bago bumawi ang Eagles, 68-66.
“The first two games ended up with teams winning by just one or two points. So I expect this series to be exciting and tough,” wika ni Ateneo mentor Norman Black.
Hanap ng Eagles ang makuha ang ikalimang sunod na titulo na huling nangyari noon pang dekada 60s.
Ang UE ang nakagawa nito noong dinomina nila ang liga ng pitong sunod na taon mula 1965 hanggang 1971.
Ito rin ang magandang regalo ng Eagles kay Black na lilipat na sa PBA matapos ang season.
Sa kabilang banda, maduplika ang 2006 panalo ng Tigers sa Eagles ang balak ng tropa ni coach Alfredo Jarencio.
Kung mangyari ito, aakyat din ang UST sa pagsalo sa FEU bilang mga koponan na may pinakamaraming UAAP titles na 19.
“Mas preparado itong team na ito kumpara noong 2006. Ang mga players na gusto ko ay nakuha ko at matagal na rin silang nagsasama,” wika ni Jarencio.
Ang masipag na 6’7 center na si Karim Abdul ang puwersa sa ilalim ng Tigers ngunit may maaasahan pa sila sa katauhan nina Jeric Teng, Jeric Fortuna, Clark Bautista, Aljon Mariano at Kevin Ferrer.
Iaasa naman ng Eagles ang laban kina 7-footer Greg Slaughter, Kiefer Ravena at Nico Salva dahil ang mga ito ay nagsasanib sa 45.7 puntos at 19.8 rebounds.
Pero kailangang makuha nina Ryan Buenafe at Juami Tiongson ang kanilang opensa at doblehin naman nina Justin Chua at Frank Golla ang ipinakikita sa ilalim upang may makatuwang si Slaughter.