MANILA, Philippines - Kung may bagay na dapat tutukan si Manny Pacquiao para sa kanilang ikaapat na paghaharap ni Juan Manuel Marquez, ito ay ang panggugulang ng Mexican sa ibabaw ng boxing ring.
Sinabi ni Filipino trainer Buboy Fernandez sa panayam ng PTV Sports na pag-aaralan nila kung paano iwasan ang naturang taktika ni Marquez.
“Palagi lang tayong umaatake pero minsan nakakalimutan natin ‘yung depensa kaya tumatama ‘yung Marquez,” wika ni Fernandez, assistant ni trainer Freddie Roach.
Sa majority decision win ng 33-anyos na si Pacquiao noong Nobyembre ng 2011, ilang beses na sinadyang tapakan ng 39-anyos na si Marquez ang paa ni ‘Pacman’ para makakonekta ng counter punch.
“Wala na tayong babaguhin sa Pambansang Kamao natin. Iyong lakas nandiyan na ‘yan eh, yung bilis nandiyan na din. Ang importante lang ay kung paano natin mareresolba ‘yung counter ni Marquez,” dagdag pa ng Filipino trainer.
Kasalukuyan nang nagpapakondisyon ang Sarangani Congressman sa GenSan kung saan siya nakipaglaro ng badminton at volleyball matapos ang limang beses na pagdya-jogging kahapon.
Nakatakdang magtungo si Pacquiao sa Maynila sa Oktubre 8 bago tumulak patungong United States sa Oktubre 13 para sa training camp sa Wild Card Boxing Gym ni Roach sa Hollywood, California.
Maglalaban sina Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) at Marquez (54-6-1, 39 KOs) sa isang catchweight fight sa 147 pounds at sa isang non-title, welterweight bout sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Sa kanilang unang paghaharap noong 2004, isang draw ang nailusot ni Marquez bagamat tatlong beses bumagsak sa first round, habang isang split decision ang nakuha ni Pacquiao sa kanilang rematch noong 2008.