Pinoy tracksters lalahok sa Asia Masters Athletic C'ships
MANILA, Philippines - Ibabandera uli nina Erlinda Lavandia, Emerson Obiena at Tony Chee ang ipadadalang Pambansang koponan sa 17th Asia Masters Athletic Championships sa Chinese Taipei mula Nobyembre 1 hanggang 7.
Ang National Masters and Seniors Athletic Association of the Philippines ang siyang mamamahala sa pagpapadala ng koponan na kabibilanganan ng 24 na manlalaro.
Ang Asia Masters ay pinaglalabanan sa iba’t ibang age group at ang Pilipinas ay palagiang nag-uuwi ng gintong medalya sa torneo.
Sa huling edisyon noong 2010 sa Kuala Lumpur, Malaysia, ang Pilipinas ay nanalo ng limang ginto at si Lavandia ay humakot ng tatlong ginto sa larangan ng discus throw, javelin throw at shotput at si Obiena at Chee ay may tig-isa sa pole vaults.
“Consistent gold medal winners ang Pilipinas pero hindi tayo napapasok sa top placers dahil kaunti lamang ang ipinadadala natin. Sa taong ito ay 24 ang isasama natin at lalaro sila sa atleast 10 events and hopefully masama tayo sa top 5 with at least 10 gold medals,” wika ni NMSAAP president Manny Ibay na bumisita sa PSA Forum kasama sina Obiena at Chee.
Ang dating SEAG long jump queen na si Elma Muros Posadas na nanalo rin ng ginto sa World Masters, ay kasama rin habang sina long jumper Lerma Bulauitan at middle distance runner John Lozada ay nasa koponan din at aasahan din ng mga gintong medalya.
Pareho namang nagsabi sina Obiena at Chee ng handa sila sa torneo at lalaban pa rin sa gintong medalya.
Ang tagisan ay hinati sa iba’t ibang age groups at ang mga patok na manguna uli ay ang India, China at Japan dahil sa mas maraming bilang ng ipinadadalang kalahok. (ATan)
- Latest
- Trending