Run for the Pasig River itatakbo ngayon
MANILA, Philippines - Mapupuno ngayong umaga ang Commonwealth Avenue sa Quezon City ng mga taong nagnanais na makitang malinis uli ang Pasig River.
Sa ganap na alas-4 ng umaga ay may mga taong magsisimulang tumakbo bilang bahagi ng 2012 Run for the Pasig River.
Tinatayang nasa 80,000 ang bilang ng mga makikiisa sa non-competitive run na ang layunin ay makalikom ng halaga para ipantustos sa gastusin sa paglilinis ng ilog na dumadaloy sa Quezon City, San Juan City at Mandaluyong City.
Ang mga distansyang puwedeng takbuhan ay 15K Commonwealth Challenge at 5K Morning Madness na magsisimula at magtatapos sa Quezon Memorial Circle.
Isasagawa rin ang 21K Invitational CEO run sa EDSA Shangri-La Hotel sa Ortigas City at kabilang sa mga tatakbo ay sina Senadora Pia Cayetano, Ayala Corporation President at CEO Fernando Zobel, ABS-CBN Chairman Gabby Lopez at Starbucks COO Noey Lopez.
Ang mga bikers at skate boarders ay magkakaroon ng hiwalay na kategorya na isang 15-K ride and roll.
Ang proyektong ito ay itinataguyod ng ABS-CBN Foundation at nasa ikaapat na taon na.
- Latest
- Trending