Black 'di na magre-resign sa Ateneo

MANILA, Philippines - Hindi na itinuloy ni Ate­neo coach Norman Black ang planong iwanan ang kanyang koponan papasok sa Final Four matapos makausap ang dating pangunahing sponsor na si Manny V. Pangilinan.

Tumungo si Black sa Hong Kong noong Lunes para hingiin ang palagay ni MVP sa kanyang plano na nag-ugat matapos iwanan ni Pangilinan ang team dahil sa di kapareho ang pananaw niya at ng pamumuan ng unibersidad patungkol sa isinusulong na Reproductive Bill at sa usapin sa mining.

Ayon sa 54-anyos na si Black, naramdaman niyang dapat na iwanan niya ang puwestong ino­ku­pahan mula pa noong 2004 dahil si MVP ang siyang kumuha sa kanyang serbisyo.

“His blanket pull out of support from Ateneo put me in a different situation. For nine years, I’ve been employed by PLDT. So when he pulled out, I also felt obligated to do the same. Since I work for him, I felt it was my responsibility to do it,” wika ni Black sa kanyang statement.

Pero ipinilit ni MVP na huwag niya itong gawin at tulungan ang Ateneo na makumpleto ang target na ikalimang sunod na titulo sa liga.

“I’m quite happy he said that because I also don’t want to pull out of my last few games in Ateneo. We’ll finish what we started. Despite his difference with the school, he feels his team shouldn’t suffer. His heart is still with the team and the players and will continue to support the team until the end of the season,” dagdag ni Black.

Ito na ang huling taon ni Black sa UAAP dahil kinuha siya ni MVP para gabayan ang Talk N Text sa 38th season ng PBA.

Show comments