Si Juan Manuel Marquez na naman?
Sa ayaw n’yo man o sa gusto, ang matinik na Mexicano ang napiling kalabanin ng ating Pambansang kamao na si Manny Pacquiao sa Dec. 8 sa Las Vegas.
Tatlong beses na silang naglaban at tila sawa na ang ibang tao sa lutong ito. Pero eto na naman tayo, pagdating sa Disyembre ay muli silang maghaharap.
Madugo ang kanilang unang tatlong laban. Kaliwa’t kanan ang mga putok sa mukha nila. Palaging maganda ang laban, bugbugang umaatikabo.
Naging kontrobersiyal din ang tatlong laban, isang draw nung 2004 at sobrang dikit na split decisions para kay Pacquiao nung 2008 at 2011.
Ang paniwala kasi ni Marquez ay tinalo niya si Pacquiao sa tatlong laban nila. Kaya eto si Pacquiao, kahit na may dalawang panalo na ay parang may gusto pang patunayan.
Isa pa, mas malaki nga naman ang kikitain ni Pacquiao laban kay Marquez kumpara sa isang rematch kay Timothy Bradley na humahanap na ng kangaroo para sa sunod niyang laban.
Bihirang maglaban ang dalawang boxers ng apat na beses. At eto nga ang ikaapat na edition ng Pacquiao vs Marquez. Kung baga sa pelikula, Rocky IV na ito.
Tiyak na matindi na naman ang bakbakan pero marami ang umaasa na sana naman ay maging convincing naman ang panalo ng sinuman sa kanila.
Knockout ang hiling ng boxing fans dahil kung gaya lang ng dati ulit ang kahihinatnan ay baka hindi na masiyahan ang mga fans.
Nagsabi na si Pacquiao kahapon sa Los Angeles na knockout ang gusto niyang mangyari.
Sana nga, ma-knockout niya si Marquez dahil kung hindi ay maraming mag-iisip na naubos na nga siguro ang knockout power niya sa loob ng ring.
Tatlong beses pinatumba ni Pacquiao si Marquez noong 2004 at isang beses noong 2008. Pero last year, hindi na niya napatumba ang Mexicano.
Huwag lang sanang mangyari na si Manny naman ang makatikim sa laban na ito dahil pag nangyari yan, at kunwari lang ay makatikim siya ng ikalawang sunod na talo ay lumalabas na tayo.
Yan ang tinatawag na “tapos ang boxing.”
Kaya isa lang ang gusto kong mangyari sa December 8 sa Las Vegas--ang tuluyan nang ma-knockout ni Pacquiao si Marquez.
Ito ang happy ending.