Opening ceremony ng 38th PBA season kakaiba
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ni PBA chairman Robert Non na isang opening ceremony na walang katulad ang matutunghayan ng mga fans sa 38th season ng PBA sa Setyembre 30 sa Smart-Araneta Coliseum.
“Ito na siguro ang isa sa pinakamaganda, kung hindi man pinakamagandang palatuntunan sa pagbubukas ng liga sa 38-taong kasaysayan ng Asia’s first pro-league,” ani Non sa SCOOP Sa Kamayan weekly session sa Kamayan Restaurant-Padre Faura.
“Ang seremonya ay idinisenyo batay sa pangunahing hangad ng liga na ibalik ang dating fans ang PBA na siyang gumawa kung bakit kami ang pinakamalaking sports at entertainment show sa parteng ito ng daigdig,” dagdag ni Non, ang kinatawan ng Barangay Ginebra sa PBA Board of Governors, sa public service forum na itinataguyod ng Powerade, AKTV at FILA.
Nakasama ni Non sina Rene Pardo, Purefoods team manager Alvin Patrimonio at Barangay Ginebra coach Siot Tangquince.
Ang B-Meg ay makikilala na bilang San Mig Coffee.
“Ang desisyon ng management na baguhin ang produktong balak i-project ay base sa tradisyon ng SMC na pagkatapos manalo ng korona para manalo pa ng marami,” paliwanag ni Pardo.
Ipinahayag din ni Non na ang import sa Commissioner’s Cup ay unlimited ang taas tulad noong nakaraang taon at ang sa Governor’s Cup ay hindi lalampas sa 6-foot-5.
Bubuksan ng Ginebra ang tabing ng 38th season laban sa bagong Global Port matapos ang opening ceremony.
- Latest
- Trending