Replay! Protesta ng NU kinatigan
MANILA, Philippines - Gumawa ng makasaysayang desisyon ang UAAP board nang binaligtad nila ang desisyong unang ginawa ng itinalagang commissioner patungkol sa kontrobersyal na laro sa pagitan ng FEU at host National Bulldogs noong nakaraang Linggo.
Naunang kinatigan ni commissioner Ato Badolato na nabitiwan na ni RR Garcia ang bola sa kanyang lay-up bago tumunog ang buzzer upang panatilihin ang 77-75 panalo ng Tamaraws sa Bulldogs.
Pero sa review na ginawa ng technical committee ng liga, sinabi nilang hindi malinaw sa mga tape at video ng laro kung tunay nga bang wala na sa kamay ni Garcia ang bola at nagdesisyon na i-replay ang laro na kinatigan ng UAAP board.
“Because of the pieces of evidences/statements/video used in the deliberation were inconclusive and unclear and ost of the points brought up showed that time had expired before the ball was fully released, the UAAP board unanimously upheld the appeal of NU for a replay of the game that is scheduled on Sept. 23, 2012,” wika ni Henry Atayde, board representative ng La Salle na kasapi ng technical committee.
Si NU athletic director Junel Baculi na kabilang din sa komite ay hindi nakilahok sa pagtalakay sa problema.
Sa pangyayaring ito bumaba ang FEU sa 7-3 karta habang ang NU ay may 6-4 baraha.
Tiyak namang ibubuhos ng Tamaraws ang kanilang galit sa pangyayari sa pagkikita nila ng UE sa pagpapatuloy ng 75th UAAP men’s basketball ngayon sa Mall Of Asia Arena sa Pasay City.
Unang sasalang ang UST at UP sa ganap na alas-2 ng hapon at pakay ng Tigers na kunin ang ikasiyam na panalo na magdidikit sa koponan sa kalahating agwat sa nangungunang Ateneo.
Kailangan din ng Tamaraws na manalo upang hindi makalayo ang Ateneo at UST sa tagisan para sa Final Four at ang mahalagang twice to beat incentives na ibibigay sa dalawang mangungunang koponan.
Kailangan namang magseryoso ang tropa ni coach Bert Flores dahil ang Warriors ay may bitbit na 2-game winning streak na kinuha sa UP (79-76) at sa nagdedepensang Ateneo (79-77) gamit ang mga buzzer-beaters. (ATan)
- Latest
- Trending