MANILA, Philippines - Magpapagalingan pa ang Arellano at Emilio Aguinaldo College habang patatagin ang kapit sa unang puwesto ang nais ng San Beda sa pagpapatuloy ngayon ng 88th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Ang Chiefs at Generals ang unang magtutuos sa ganap na alas-4 ng hapon at pareho silang naghahabol ng panalo para pagandahin pa ang laban para sa semifinals.
May 4-6 karta ang Chiefs habang 3-7 naman ang sa Generals pero may tsansa pa silang makalusot sa eliminasyon lalo na kung makakapaglubib-lubid sila ng panalo.
Ikasiyam na panalo matapos ang 11 laro ang nakaumang naman sa Lions sa pagharap sa St. Benilde sa ikalawang laro dakong alas-6.
Samantala, nagdesisyon ang NCAA Management Committee na pinangungunahan ni Fr. Vic Calvo na suspindihin si Calvin Abueva ng San Sebastian matapos ang disqualifying foul na naitala laban kay Jhygruz Laude ng Lyceum noong Huwebes ng gabi.
Dinagukan ni Abueva gamit ang ‘closed fist’ si Laude na kitang-kita sa telebisyon para mapatalsik agad sa laro.
Bunga nito, hindi makakalaro ang pambato ng Stags laban sa Arellano sa Miyerkules pero ang mas masakit ay ang pagkakatalsik niya sa karera para sa MVP sa taon.