TAIPEI--Bumangon ang Smart Gilas Pilipinas II mula sa kanilang kabiguan sa Lebanon noong Huwebes matapos gulatin ang three-time defending champions Iran, 77-75, at palakasin ang kanilang tsansa para sa korona ng 34th Jones Cup kahapon dito sa TPEC Gymnasium.
Kumamada ang Nationals sa third quarter para magtayo ng malaking kalamangan at malampasan ang mga mintis nilang layups at freethrows sa dulo ng fourth period.
Umiskor si naturalized Marcus Douthit ng 22 points, habang may 17 si Gabe Norwood at 12 si Jeff Chan para sa Smart Gilas II.
Ang panalo ang gumawa ng isang three-way tie sa hanay ng Smart Gilas II, Iran at US team mula sa magkakatulad nilang 5-1 kartada.
Kung mananalo ang Nationals sa Chinese-Taipei A ngayong alas-7 ng gabi at kontra sa Americans bukas ng hapon ay sila ang awtomatikong hihirangin bilang kampeon ng torneo.
Umiskor naman ang US team ng isang 77-66 panalo laban sa Jordan sa unang laro.
Tinalo na ng Iranians ang Americans, 97-89, sa double overtime noong Miyerkules.
Ito ang unang panalo ng Nationals kontra sa mga Iranians.
“It shouldn’t be that close if not for our two missed layups and four free throw misses at endgame,” wika ni national coach Chot Reyes.
“But that’s something we’ve talked about. It’s different when you’re playing with the name of the country on your jersey. That’s something we have to learn and get used to,” dagdag pa nito.
Kinuha ng Nationals ang malaking 63-51 sa kaagahan ng fourth quarter bago naabutan ng Iran.
Naselyuhan ang panalo ng Smart Gilas II nang tumalbog ang tangkang tres ni Mahdi Kamrani sa pagtunog ng final buzzer.
Gilas 77 – Douthit 22, Norwood 17, Chan 12, Mercado 8, David 8, Fonacier 6, De Ocampo 2, Tenorio 0, Villanueva 0, Thoss 0.
Iran 75 – Bahrami 26, Kardoust 16, sahakian 12, Afagh 8, Kamrani 5, Aslani 4, Nabipour 4, Atashi 0, Hamed 0.
Quarterscores: 21-19, 33-33, 58-49, 77-75.