Zamar balik-UE

MANILA, Philippines - Ibinalik ng University of the East si Boysie Za­mar bilang head coach ng koponan sa hangaring magkaroon ng disenteng pagtatapos ang Red Warriors sa 75th UAAP men’s basketball.

Hinalinhinan ni Zamar sa puwesto si Jerry Codiñera na itinaas naman bilang sports consultant.

Tinapos ng Warriors ang first round bitbit ang 1-6 karta at tila nadismaya ang mga opisyales sa pagkatalo ng Warriors sa UP na nangyari matapos silatin ang Adamson na tumapos sa limang dikit na pagkatalo.

Si Zamar ay hindi na bago sa koponan dahil siya ang humawak sa UE mula Season 64 hanggang 66 gamit ang mga manlala­rong sina James Yap, Paul Artadi at KG Canaleta.

Sa tatlong taong ito ay nakapasok ang Warriors sa Final Four pero wala sa kanila ang suwerte dahil hindi sila pinalad na makausad sa Finals.

Sinasabing si Arturo Cristobal ay bibitbitin din ni Zamar para maupo bilang kanyang assistant.

Show comments