MANILA, Philippines - Ginamit ni Rubilen Amit ang kanyang malawak na karanasan para tapusin na ang kampanya ng 13-anyos kababayan na si Cheska Centeno, 8-5, sa pagbubukas ng Last 24 sa WPA 4th Annual Yalin Women’s World 10-ball Championship kahapon sa Robinson’s Galleria sa Ortigas.
Humataw si Amit sa fifth at sixth racks para hawakan ang 4-2 kalamangan at dagdagan ang pressure sa batang katunggali na minalas na nakuha niyang harapin sa unang laro sa knockout stage.
Bumangon pa si Centeno at idinikit ang laban sa 6-5, pero hindi maganda ang kanyang mga preparasyon para mangibabaw pa si Amit sa sumunod na dalawang racks tungo sa tagumpay.
“May future siya. Magaling at may pulso sa laro. Kailangan lamang na madagdagan pa ang kanyang exposure sa international competition para mahasa,” ani Amit na naging kampeon sa World 10-ball ilang taon na ang nakalipas.
Sunod na sasagupain ni Amit, na makailang-ulit ding nanalo ng ginto sa Southeast Asian Games, si LH Shan ng Chinese Taipei.
Awtomatikong umaabante sa Last 16 si Shan matapos dominahin ang group elimination na kung saan nasama siya sa group 8 at tinapos ang laban bitbit ang 5-0 karta.
Ang iba pang manlalaro na hindi natalo ay sina Yu Ram Chan ng Korea (Group 1), Jasmin Ouschan ng Austria (Group 2), XT Pan ng China (Group 3), S.M. Chen ng China (Group 4) at X.F. Fu ng China (Group 5).
Si Amit ay lumaban para sa awtomatikong puwesto sa Group 7 nang nakatabla si YT Chan ng Chinese Taipei sa 4-1 karta.
Tinalo ni Chan si Amit, 6-4, sa huling laro at sinuwerte si Chan na makaabante agad dahil sa naitalang 29 racks won laban sa 28 ni Amit.
Ang 29 kabuuang racks na naipanalo si Chan na mas mataas ng isa kay Amit naging daan para makuha ang mahalagang insentibo.