Pinas palaban sa World cup of pool
MANILA, Philippines - Apat na cue artists na subok na ang kakayahan ang ibabala ng Pilipinas sa isasagawang 7th World Cup of Pool na gagawin sa Robinson’s Place Manila mula Setyembre 4 hanggang 9.
Sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ay magtatambal uli habang ang isa pang panlaban ng host country ay sina Dennis Orcollo at Lee Van Corteza.
Sina Reyes at Bustamante ay two-time champion ng torneo matapos pagharian ang una at ikaapat na edisyon noong 2006 sa Newport Wales at 2009 sa SM North Edsa, Quezon City.
Ito naman ang unang pagkakataon na magtambal sina Orcollo at Corteza sa palarong sasalihan ng 31 bansa na bubuo sa 32 koponan.
Mangunguna sa dayuhan sina Ralf Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany na siyang nagdedepensang kampeon nang talunin nila sina Nitiwat Kanjanasri at Kobkit Palajin ng Thailand.
Ang dalawang Thais na ito ay magbabalik din sa hangaring higitan ang naitalang puwesto noong 2011.
Ito na ang ikalimang sunod na taon na maglalaro si Orcollo sa torneo at ang pinakamagandang pagtatapos ay naitala noong 2010 sa Robinson’s Place nang pumangalawa sila ni Roberto Gomez.
Ito naman ang unang pagkakataon na lalaro si Corteza pero naniniwala ang Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) na mabigat ang nasabing tambalan at kaya nilang lumaban sa kampeonato sa taong ito.
Si Alex Pagulayan na makailang-ulit ding nagbigay ng karangalan para sa Pilipinas ay lalaro rin pero dala niya ang bansang Canada at makakatambal si John Morra.
- Latest
- Trending