Si Cotto o Marquez
MANILA, Philippines - Hindi si Timothy Bradley ang malamang na makalaban ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 10.
Sa panayam kay Bob Arum ng Top Rank na ginawa ni Brad Cooney, binanggit ng beteranong promoter ang pangalan nina Miguel Cotto ng Puerto Rico at Juan Manuel Marquez ng Mexico.
Ayon kay Arum na bumisita sa bansa at kinausap si Pacquiao para sa kanyang pagbabalik ng ring, sina Cotto at Marquez ang mga kalaban na magpapasok ng malaking pera.
Tinuran ni Arum ang mainit na suporta ng mga Puerto Ricans at Mexican-Americans nang nilabanan ni Pacquiao sina Cotto at Marquez.
Nagtuos sina Pacquiao at Cotto noong 2009 at nanalo si Pacman sa pamamagitan ng 12th round TKO habang tatlong beses ng nagkita sila ni Marquez at angat ang Kongresista ng Sarangani Province, 2-1, matapos ang dalawang dikitang panalo.
“It’s all economics because Marquez and Cotto performed much higher than Bradley. That is a factor to consider,” wika ni Arum.
Wala pa namang napipili si Pacquiao sa kanyang makakalaban pero tiniyak ni Arum na sa loob ng linggong ito ay may maiaanunsyo na sila para sa laban na gagawin sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“I will get back to him this week and we will have a decision at the end of the week,” dagdag ni Arum.
Samantala, binanggit din ni Arum ang posibleng pagku-krus ng laban nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., na mangyayari sa Abril.
Wala ng nakikitang problema si Arum sa negosasyon dahil ang TNT Promotions na ang kumakatawan kay Mayweather.
“The people representing Mayweather now don’t have the same agenda as the people who represented him in past negotiation. I really think that the fight can be made and we would like if possible, the fight be held in April,” dagdag ng beteranong promoter.
- Latest
- Trending