MANILA, Philippines - Handa ang Smart Gilas II ni head coach Chot Reyes na harapin ang kanilang mga kalaban sa darating na Jones Cup.
“Good tournament roster with tough teams. This will be a real good test for us,” wika ni Reyes matapos makita ang mga koponan ng Iran, Jordan, Lebanon at Japan sa listahan ng nasabing Taipei annual invitational na nakatakda sa Agsoto 18-26.
“We play two games, take a rest and then play six straight games. It’s really a good test for our team,” ani Reyes.
Matutunghayan sa Jones, ang unang torneong sasalihan ng Smart Gilas II, ang Chinese Taipei national team, Chinese Taipei team B, isang US squad at ang Anyang KGC squad mula sa Korea.
Sisimulan ng Nationals ang kanilang kampanya sa Jones Cup sa Agosto 18 kontra sa Jordan, ang koponang bumigo sa Smart Gilas I sa FIBA Asia Championship sa Wuhan, China.
Kinabukasan ay haharapin naman ng Smart Gilas II ang Chinese Taipei team B, at magpapahinga muna bago harapin ang Korea, Japan, Lebanon, Iran, Taipei-A at USA.
“We really wanted a strong cast. The stronger the better, so we can see how our guys can fare,” sabi ni Reyes.
Sinimulan na ng Nationals ang kanilang pag-eensayo noong Sabado at hindi na huminto sa kabila ng walang tigil na pag-ulan.