Reyes talo kay Schmidt
MANILA, Philippines - Ipinamalas ni John Schmidt ang kanyang masidhing pagnanasa na mapanalunan ang Predator 14.1 World Tournament nang kunin ang 200-169 panalo laban sa pambato ng Pilipinas na si Efren ‘Bata’ Reyes na nangyari sa New York, USA.
Lumayo agad si Schmidt sa 107-5 at 125-54, ngunit nakuha ni Reyes ang kanyang tumbok at nagtala ng 112 balls ran para agawin ang bentahe sa 166-125.
Ngunit sa halip na manlumo ay ginamit na dagdag hamon sa kanyang kakayahan ang bagay na ito at tinapos ni Schmidt ang labanan sa pamamagitan ng 5-1 run.
Si Schmidt ang unang US pool player na nanalo sa torneo matapos ang 22 taon at malaking lundag ang kanyang ginawa dahil noong nakaraang taon, siya ay tumapos lamang sa ika-17th puwesto.
Ito ang kanyang unang titulo sa taon para sa $20,000 premyo, habang si Reyes na sinibak sina Mika Immonen ng Finland, Corey Deuel ng US at World No. 1 player Darren Appleton ng England, ay tumanggap ng $10,000.
- Latest
- Trending