MANILA, Philippines - Pinuri ng Italian boxing coach na si Francisco Damiani ang ipinakitang husay sa ring ni Filipino light flyweight boxer Mark Anthony Barriga matapos talunin nito ang alagang si Manuel Cappai, 17-7, sa pagbubukas ng aksyon sa nasabing sport sa London Olympics noong Martes.
“He’s the better fighter. He counterpunched very well. He’s shorter but that’s no problem with him. He dominated it,” papuri ni Damiani na isang gold medalist sa heavyweight division noong 1984 Los Angeles Olympics.
Kontrolado ni Barriga ang laban at lumamang agad sa 5-2 matapos lamang ang unang round. Napatahimik niya si Cappai nang tumanggap ng malakas na kombinasyon para sa mandatory eight count bago natapos ang round.
Mula rito ay hindi na nakabawi pa si Cappai, mas mataas ng anim na pulgada kay Barriga, para mamaalam na.
“Malakas din pero napalusutan,” wika ni Barriga na humugot din ng lakas sa kanyang mga magulang na sina Edgar at Merlita na nanood ng kanyang laban.
Sunod na katunggali ng 19-anyos na si Barriga si Birzhan Zhakypov ng Kazakhstan na nailusot ang 18-17 panalo laban kay Jeremy Beccu ng France.
Ang mananalo sa labang ito ay mangangailangan na lamang ng isa pang panalo para makatiyak ng medalya sa edisyong ito.
May kumpiyansa naman si national coach at 1992 Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco sa tsansa ni Barriga laban kay Zhakypov na nakasukatan nito habang nagsasanay para sa Asian Qualifying tournament sa Kazakhstan noong nakaraang taon.
Binanggit pa ni Velasco na napadugo ni Barriga ang ilong ni Zhakypov na senyales na kayang saktan ng makailang-ulit na Palarong Pambansa champion ang makakaharap sa round of 16 sa Sabado ng gabi.
“Magaling din pero kakayanin iyan ni Mark,” wika ni Velasco.
Hangad ng Pambansang delegasyon na lumalaban sa edisyong ito na mawakasan ang kawalan ng suwerte na manalo ng medalya sa huling tatlong Olympics.
Noong 1996 sa Atlanta huling tumipak ng medalya ang Pilipinas na naihatid ni Mansueto Velasco nang kunin ang ikalawang pilak ng bansa sa light flyweight division.
“We are all elated by this win. It gave us a ray of hope to our quest to end our disappointing campaigns in three previous Olympics,” wika ni Chief of Mission Manny Lopez.