LONDON--Bagama’t kumanta si light-flyweight Mark Barriga ng “I’ll Do My Crying In The Rain’’ matapos lumabas sa kanyang kuwarto, hindi naman niya pababayaang umiyak ang Pilipinas sa pag-akyat niya ng boxing ring sa susunod na linggo sa 30th Olympic Games.
Makakatapat ng 19-anyos na si Barriga si Manuel Cappai, isang Italian champion na kung gumalaw at lumaban ay kagaya ni defending champion at top seed Zou Shiming ng China.
Ngunit hindi siya kasing husay ng Chinese ring wonder sa mga mata ni coach Roel Velasco.
‘’Parang si Zou kung maglaro. Suntok, takbo, suntok, takbo. Counter-puncher. Pero hindi kasinggaling ni Zou. Kaya yung Italian,’’ sabi ni Velasco matapos mapanood ang laban ni Cappai sa YouTube.
Hindi pa nakakaharap ng Panabo City, Davao del Norte na si Barriga si Cappai sa kanyang mga sinalihang torneo.
Ngunit nakita niya ang Italian sa general weigh-in bago ang draw noong Biyernes.
“Mataas. Ako naman talaga ang pinakamaliit sa grupo,’’ ani Barriga. “Magalaw din ang kilos. Okay lang, handa din naman ako.’’
Si Cappai, sumuntok ng bronze medal sa European Olympic qualifying event, ay natalo kay Bulgarian at eventual champion Aleksander Aleksandrov sa semifinals.
Kung mananalo si Barriga kay Cappai ay papasok siya sa second round kung saan niya makakalaban ang mananalo kina Kazakstan bet Birzhan Zhakypov at Jeremy Beccu.
Ang huling boksingero ng bansa na nakapag-uwi ng medalya sa Olympics ay si Mansueto ‘Onyok’ Velasco, nanalo ng silver sa nasabi ring division noong 1996 Atlanta Olympics na dumuplika sa tagumpay ni Anthony Villanueva noong 1960 Tokyo Games.