Solong liderato itataya ng Altas vs Generals

MANILA, Philippines - Ikaanim na panalo ang kukunin ng Perpetual Help sa pagharap sa nangu­ngulelat na Emilio Aguinaldo College habang ikalimang panalo ang asam ng San Sebastian sa pagpapatuloy ng 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Galing ang Altas sa 94-88 overtime panalo sa Mapua noong Huwebes at kinakitaan ang tropa ni coach Aric Del Rosario ng pagkakaroon ng limang manlalaro na tumipak ng 11 puntos pataas para katampukan ang magandang team work.

“Ipinasok ko sa kanilang isipan yung attitude na hindi agad bumibigay,” wika ng beteranong coach na si Del Rosario na pumasok sa koponan sa season na ito.

Ang Generals ay may 1-5 karta at galing sila sa masaklap na 62-65 pagkatalo sa Letran sa kauna-unahang out-of-town game ng liga sa Laguna noong Miyerkules.

Natalo man ay ibang sigla ang naipamalas ng Generals at kung maipagpapatuloy nila ito ay bibigyan ng magandang laban ang Altas na pangungunahan ni Earl Thompson matapos umiskor ng 22 puntos sa huling laban.

Show comments