LONDON--Nakangiti si weighlifter Hidilyn Diaz habang papunta sa dining hall na tila handa nang harapin ang malaking hamon sa kanyang pangalawang paglahok sa Olympic Games.
Kasamang nagtanghalian si coach Tony Agustin at dalawang opisyales ng Team Philippines, ikinuwento ni Diaz ang kanyang eksperyensa sa libreng three-week-training camp bago ang 30th Olympic Games.
Ayon kay Diaz, ang training camp ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong masanay sa klima ng London.
“Adjusted na po ako ngayon. Maganda na feeling at bumalik na ang lakas ko,” wika ni Diaz habang nakikinig sina Agustin, chief of mission Manny Lopez at administrative officer Arsenic Lacson.
“Imagine kung ngayon ka lang darating. Mahihirapan ka sa klase ng weather,” dagdag pa ni Diaz, sumabak sa 2008 Beijing Games sa edad na 17-anyos.
Isa nang 21-anyos, wala nang kinatatakutan si Diaz sa labanan.
“Okay lang. Anong malay natin. Sa tagal ko na po naglalaro, hindi na ako takot sa laban,” wika ni Diaz.
Sobra ng isang kilo si Diaz, magiging kauna-unahang babaeng flag-bearer ng bansa para sa opening ceremonies sa Biyernes, na ayon kay Agustin ay hindi naman problema.
“Madali lang tanggalin yun. No problem. Matagal pa naman ang competition niya,” sabi ni Agustin, isang many-time national player at nasa pang siyam na taon bilang coach ni Diaz.