La Salle 'Di bibitaw sa liderato
Manila, Philippines - Manatili sa liderato sa UAAP ang nais ng La Salle habang pawiin ang masakit na pagkatalo sa huling laban ang nais ng Ateneo sa pagbabalik ng 75th UAAP men’s basketball ngayon sa MOA Arena sa Pasay City.
Unang sasalang ang Archers kontra sa FEU sa ganap na alas-2 ng hapon bago sumunod ang Eagles na mapapalaban uli kontra sa host National University dakong alas-4.
May 2-0 karta ang Archers at huling nanalo sa UE, 67-59. Ngunit sa larong ito masasabing tunay na masusukat ang tropa ni coach Gee Abanilla dahil ang Tamaraws ay magpaparada ng mga beteranong players sa pangunguna nina RR Garcia, Terence Romeo at Chris Tolomia.
Galing sa 73-72 panalo ang Tamaraws sa UST at nangyari ito nang nakawala si Garcia sa isang transition lay-up.
Nananalig naman si Eagles coach Norman Black na babalik ang pagtutulungan ng kanyang bataan para makabangon agad mula sa 70-71 pagkatalo sa kamay ng Tigers.
Hindi maaaring magbiro ang Ateneo sa Bulldogs na ipinakita agad ang bangis sa pamamagitan ng 90-55 panalo at kinatampukan ito ng pagkakaroon ng apat na manlalaro na umiskor ng mahigit sa 10 puntos.
Si Bobby Parks Jr. ang siyang tumayong lider sa kanyang 16 puntos, 6 rebounds, 6 assists, 4 steals at 3 blocks.
Naririyan pa rin si Emmanuel Mbe ngunit may kapalitan na siya sa ilalim sa katauhan ni Henry Betayene at sila ay magtutulong para pahirapan si Greg Slaughter na nalimitahan sa 9 puntos at 5 rebounds sa laro laban sa Tigers.
Samantala, kinuha naman ng nagdedepensang kampeon sa juniors na National University ang ikalawang sunod na panalo sa pamamagitan ng 75-50 pananaig sa Adamson kahapon sa MOA Arena.
May 19 puntos ang nagdedepensang MVP na si Ralph Atangan sa 7 of 10 shooting, si John Cauilan ay may 22 rebounds, at si Hubert Cani ay may 10 puntos, 9 assists, 6 rebounds at 1 block para pakinangin ang ikalawang tagumpay ng Bullpups.
Tinalo naman ng La Salle-Zobel ang UE Pages, 78-67, sa ikalawang laro para makabangon sa kabiguang inabot sa NU sa unang laro.
- Latest
- Trending