Manila, Philippines - Pormal na kikilalanin ang pagtapak ng Pambansang koponan sa London para lumahok sa Olympic Games sa isasagawang flag raising ceremony sa Sabado ng umaga sa Games Village.
Sa ganap na alas-11:30 ng umaga sisimulan ang seremonya na dadaluhan nina Chef of Mission Manny Lopez, Ambassador Enrique Manalo at ang siyam na manlalaro ng Pilipinas na dumating na sa London.
“This flag raising is our first official act as member of the London Olympic family,” wika ni Lopez.
Ang mga atletang nasa London na ay sina long jumper Marestella Torres, 5000m runner Rene Herrera, shooting Brian Rosario, swimmers Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi, archers Mark Javier at Rachel Cabral, weightlifter Hidilyn Diaz at judoka Fil-Japanese Tomohiko Hoshina.
Maliban kina Javier, Cabral at Hosina, ang ibang manlalaro ay nasa London na tatlong linggo na ang nakaraan para lumahok sa libreng training camp na handog ng organizers ng palaro.
Sina boxer Mark Anthony Barriga at BMX rider Fil-Am Danny Caluag na kukumpleto sa 11 pambato ng Pilipinas ay patuloy pang nagsasanay sa Cardiff, Wales at Netherlands at papasok sila sa Village sa Hulyo 24.
Ang mga coaches na sina Josefina Corral (shooting), Tony Agustin (weightlifting), Joseph Sy (athletics), Yasuhiro Satoo (judo) at Carlos Brosas (swimming) bukod pa sa administrative officer Arsenic Lacson at press officer Joe S. Antonio ay sasama rin sa pagtatanghal.
Inaasahang aabot sa 25 minuto ang kaganapan na tatampukan din ng isang cultural performance na handog ng 75 batang Britons.
Tampok din ang pagpirma ng isang atleta ng bawat bansang nasa Village sa Olympic Truce Wall.
Itinalaga ng Pilipinas ang beterano at multi-gold medalist sa long jump na si Torres para siyang kakatawan sa delegasyon.
Sa Hulyo 27 gagawin ang opening ceremony at si Diaz ang siyang itinalagang flag bearer.