MANILA, Philippines - Hindi pa man lumalaban ay bawas na ng tatlong gintong medalya ang Pilipinas kung paglahok sa 2013 Myanmar SEA Games ang pag-uusapan.
Sa idinaos na SEA Games Federation Council meeting kamakailan sa Nay Pyi Taw, tuluyan nang tinanggal sa talaan ng mga larong gagawin ang baseball at softball.
Ang Pilipinas ay nagkampeon sa men’s at women’s softball at men’s baseball sa 26th SEA Games sa Indonesia noong 2011.
Pero hindi naman dapat mabahala ang mga mahihilig sa sports dahil makakapagbuo ng malakas na pambansang koponan ang bansa dahil 20 sa 32 sports na balak gawin ng Myanmar ay mga Olympic sports.
“Naintindihan ng ibang SEA countries ang naisin natin na gamitin ang SEA Games bilang bahagi ng paghahanda para sa Asian Games at Olympics kaya sa Myanmar, 20 ang Olympic sports habang isang sport na popular sa Myanmar na Chinlone na parang sepak takraw ang nag-iisang sport na kanilang ipapasok,” wika ni POC sec/gen Steve Hontiveros.
Ang 32 sports ay mababa kumpara sa 44 sports na ginawa sa Indonesia. Umabot din sa 545 ang events na isinama na karamihan ay pabor sa Indonesia para hirangin sila bilang overall champion bitbit ang 182 ginto.
Ang Pilipinas ay nalaglag sa ikaanim na puwesto sa 36-56-77 gold-silver-bronze medal output pero nananalig si Hontiveros na lalaban uli ang pambansang manlalaro.