MANILA, Philippines - Kumawala ang San Beda ng 11-0 bomba sa unang minuto ng huling yugto para tuluyang ibaon ang St. Benilde, 59-53, sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Si Kyle Pascual ay mayroong 12 puntos at 7 rebounds at nakipagtulungan siya kay Jake Pascual para dominahin ang rebounding sa huling yugto tungo sa pagbangon ng Lions mula sa 87-88 pagkatalo sa overtime sa Perpetual Help.
May tatlong puntos si Amer Baser sa pinakawalang run upang ang 41-45 iskor pabor sa Blazers ay naging 52-45 para sa Lions na nakasama ngayon ng San Sebastian, Jose Rizal University at Perpetual Help sa unahan tangan ang 3-1 baraha.
Si Rome dela Rosa ay mayroong 11 puntos at 11 rebounds habang tig-10 ang ibinigay nina Amer at Jake Pascual.
May 21 puntos si Carlo Lastimosa at siyang sinandalan ng koponan upang makabawi ang Blazers mula sa 9-23 start.
Pero ang kawalan ng suporta sa mga kakampi ni Lastimosa ay ininda ng Bla-zers dahil nangapa sila sa pagpuntos noong inilabas panandalian ang kanilang batikang guard para lamunin agad ng Lions ang naipundar na apat na puntos bentahe.
Samantala, pinahintulutan ng NCAA Management Committee na makapaglaro ang mga rookies ng Mapua na sina Gabriel Banal, Joseph Eriobu, Mark Brana at Jessie Saitanan laban sa Letran na siyang ikalawang laro kagabi.
Ngunit kasabay nito ay ang kondisyon na babawiin ang mga panalong makukuha ng koponan gamit ang nasabing manlalaro sakaling mapatunayan na kulang ang isinumiteng papeles ng Mapua na magpapatunay na pasado sila sa eligibility screening ng liga.