Pirates dumiretso sa 2 dikit na panalo
MANILA, Philippines - Tatlong free throws ang ginawa ni Chris Cayabyab sa huling 17.5 segundo upang makumpleto ng Lyceum ang pagbangon mula sa anim na puntos na pagkakalubog tungo sa 78-74 panalo sa Mapua sa 88th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Angat lamang ng isa ang Pirates, 75-74, nang butatain ni Daniel Garcia si Josan Nimes at sa kabilang dulo ng court ay bumuslo ng dalawang free throws si Cayabyab para itulak sa 77-74 ang kanilang bentahe.
Isa pang matibay na depensa ang ipinakita ni Floricel Guevarra sa sana’y panablang tres ni Kenneth Ighalo nang madaplisan niya ang bola at kasunod nito ay ang paglapat uli ng foul kay Cayabyab para sa isang split.
Si Shane Ko ay mayroong 23 puntos habang 14 at 12 ang ginawa nina Guevarra at Cayabyab para pangunahan ang Pirates na kinailangan munang humabol sa 66-60 pagkakalubog may 6:43 sa orasan.
Ang dalawang free throws mula sa tatlong attempts na ibinigay kay Ko dahil na-foul siya mula sa tangkang tres, ang huling nagtabla sa iskor sa 71-all, sa 2:21 sa laro.
Magandang pasa ni Ko kay Guevarra ang nagbigay ng 73-71 kalamangan sa Pirates at kahit nakadikit pa sa isa ang Cardinals, 75-74, sa free shots ni Mike Parala ay hindi na nakabangon pa ang tropa ni coach Chito Victolero dahil sa mas matikas na endgame ng Pirates.
May 27 puntos si Parala para sa natalong team.
- Latest
- Trending