Brown nagbalik Pinas matapos ang 22-taon
MANILA, Philippines - Matapos ang 22 taon ay nagbalik si 1985 PBA Most Valuable Player Ricky Brown sa Pilipinas para muling makasalamuha ang kanyang mga Filipino basketball fans.
Dahil sa kanyang karamdaman, hindi natanggap ng 55-anyos na ngayong si Brown, sinasabing kauna-unahang Fil-Am na naglaro sa PBA noong 1983, ang tropeo kung saan siya ibinilang sa 25 PBA Greatest Players noong 2009.
“I didn’t come here just for that (award) but I’m very humbled. That will be a very special evening for me,” wika ng 6-foot-1 na si Brown kahapon sa PSA sports forum sa Shakey’s sa U.N. Avenue, Manila. “For the league to do this to me is overwhelming.”
Katulong ang mga ‘naturalized imports’ na sina Jeff Moore, Chip Engeland at Dennis Steele, namuno si Brown sa pagkakampeon ng RP-Northern Cement team ni coach Ron Jacobs sa 1980 Jones Cup sa Taiwan.
Matapos maglaro para sa De La Salle Green Archers noong 1982, umakyat si Brown sa PBA noong 1983 kung kailan siya hinirang bilang Rookie of the Year para sa Great Taste kasunod ang pagkopo ng una niyang PBA crown noong 1984.
Mula sa Great Taste ay lumipat si Brown, ang 1979 third round pick ng Houston Rockets buhat sa Pepperdine University, sa San Miguel noong 1987 kung saan siya nakatikim ng Grand Slam sa ilalim ni coach Norman Black noong 1989.
“People asked me what the best team I’ve ever played for, the 1989 San Miguel team was a phenomenal basketball team though with Hector Calma, Mon Fernandez, Samboy Lim,” ani Brown. “But the 1985 Great Taste team was a really, really strong team.”
Kung mayroon mang bagay na pinagsisisihan si Brown, ito ay ang pagkakaroon niya ng iba’t ibang injury sa kasagsagan ng kanyang basketball career.
Tangan ni Brown, isang three-time PBA First Mythical Team member at kasalukuyang Principal ng Ross Middle School sa Artesia, California, ang PBA All-time PBA career scoring average na 23.1 points per game at ang All-time best assist average na 7.3 per game.
- Latest
- Trending