Smart gilas II kampeon sa SEABA
Manila, Philippines - Maagang nagtrabaho ang Gilas II bago nagrelax sa huli pero sapat na ang naipundar na malaking kalamangan tungo sa 74-52 panalo sa host Thailand sa pagtatapos ng 3rd SEABA Asia Cup (dating Stankovic Cup) kahapon sa Chiang May, Thailand.
Umarangkada ang tropa ni coach Jong Uichico sa 41-15 halftime bentahe nang limtahan sa single-digit ang Thais sa unang dalawang yugto upang katampukan ang dominasyon sa limang bansang kompetisyon.
Bago ang Thais ay dinurog muna ng Gilas II ang Singapore, 96-58, Indonesia, 80-52 at Malaysia 85-50, para makuha uli ang puwesto sa FIBA Asia Cup sa Setyembre sa Tokyo, Japan.
Ang pagkatalo ng host ay ikalawang sunod upang mabigo sa asam na samahan ang Pilipinas sa FIBA Asia Cup.
Bago ito ay dumapa ang host sa Indonesia, 46-66, noong Biyernes para maputol ang dalawang dikit na panalo.
Nanalo pa ang Indons sa Singapore kahapon, 65-51, para magkatabla ng Thais sa 2-2.
At dahil nanalo sila sa kanilang head-to-head, ang Indonesia ang siyang umabante patungo sa Tokyo.
Makakasama ng Gilas II sa Tokyo ang malalakas na koponang kinabibilangan ng China, nagdedepensang Lebanon, Macau at isang koponan mula sa Central Asia sa Group A.
Ang Group B naman ay binubuo ng host nation Japan, Chines Taipei, Qatar at dalawang kinatawan mula sa South Asia.
- Latest
- Trending