PH team bumabandera na
MANILA, Philippines - Dinurog ng Pilipinas ang Croatia, 5-1, upang makumpleto ang pagwalis sa tatlong laro sa Group elimination sa 2012 World Team Pool Championship noong Martes sa Tongzhou Luhe High School sa Tongzhou, Beijing.
Nakabuti sa diskarte ng pambansang koponan ang pagpapalaro lamang kay Efren Reyes sa mga doubles event sa 8-ball at 10-ball at iniwan kina Dennis Orcollo, Francisco Bustamante at Rubilen Amit na lumaban sa singles sa 8-ball, 9-bal at 10-ball para tapusin ang group A elimination tangan ang perpektong siyam na puntos.
Ang dalawang koponan ng host China at Chinese-Taipei ang iba pang bansa na na-sweep ang tatlong laro.
Tinalo ng China 1 na binuo nina Li He Wen, Fu Jianbo, Liu Haitao, Fu Xiaofang at Pan Xiao Ting, ang Finland, 6-0, sa Group B habang ang China 2 na kinatawan nina Dang Jinhu, Dai Yong, Han Haoxiang, Liu Shasha at Chen Siming ay umukit ng 5-1 panalo sa Hong Kong sa Group C.
Ang Taiwanese team na may mabangis na manlalaro na sina Chang Jung Lin, Fu Che Wei, Ko Pin Yi at Chieh Yu Chou ay nanaig sa mahusay na German team, 4-2.
Ang Great Britain na nanalo sa unang dalawang laro sa Group E ay tumabla sa South Korea, 3-3, habang ang Japan na namayani sa unang dalawang asignatura ay natalo sa Sweden, 4-2, sa Group D.
Pumasok din ang Great Britain at Japan sa Last 16 kasama ang mga bansang India, Indonesia, Sweden, Australia, Poland, Norway, Germany, South Korea, Canada at Finland.
Knockout format ang mangyayari sa mga labanan mula sa Last 16 at katapat ng Pilipinas ang Norway
Ang iba pang tapatan ay sa pagitan ng China 1 laban sa Poland, China 2 laban sa Finland, Chinese- Taipei laban sa India, Great Britain laban sa Australia, Japan vs Germany, South Korea laban sa Canada at Sweden laban sa Indonesia.
- Latest
- Trending