US cycling training facility 'di ipinagamit kay Caluag
MANILA, Philippines - Binawalang gumamit ng US cycling training facility, kailangang maghanap si Olympics-bound Fil-Am BMX rider Daniel Caluag ng lugar sa kanyang huling paghahanda para sa 2012 London Games.
“He was not allowed by USA Cycling to train in their facility because he’s representing the Philippines in London,” wika ni PhilCycling president at Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino.
Inilipat ng 25-anyos na si Caluag ang kanyang pagsasanay sa Netherlands kung saan siya lumalahok sa mga karera, at itinakda ang kanyang pre-games preparations sa Canada.
“He will train for one week in the Netherlands and one week in Canada before heading to London,” sabi ni Tolentino, tumanggap muli ng isang four-year term sa isang “unifying election” na nagluklok rin kay dating Philippine Sports Commission chairman Philip Ella Juico bilang VP.
Ayon kay Tolentino, darating si Caluag sa UK capital sa Hulyo 29.
Sumabak si Caluag, ang mga magulang ay tubong Bulacan, sa tatlong qualifying tournaments, kasama rito ang UCI BMX World Championships sa Birmingham, United Kingdom, para makakuha ng high-ranking points at tiket sa London.
Siya lamang ang tanging Asian na lalahok sa BMX event ng 2012 Games.
Samantala, aalis ngayon si boxer Mark Anthony Barriga patungong London upang sumali sa training camp bilang panghuling bahagi ng kanyang paghahanda para sa Olympics.
Makakasama ng 19-anyos na si Barriga si national coach at Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco na magsasanay sa Cardiff, Wales.
- Latest
- Trending