MANILA, Philippines - Katulad ng kanyang mga kasama sa isang 11-member Team Philippines, hindi natatakot si lady weighlifter Hidilyn Diaz sa mga hamon na haharap sa kanya sa 2012 Olympic Games sa London.
Sinabi ni Diaz na mas maganda ang kanyang ipapakita ngayong Olympics kumpara noong 2008 sa Beijing, China.
“I’ve worked hard to get this far. I’m ready to compete,”wika ni Diaz bago ang kanyang pagbiyahe papuntang London para makasama ang kanyang mga kakampi sa isang training camp bago ang 30th edition ng Summer Games.
“You can never tell. My coach and I spent a lot of time and effort to make it here. I know I will perform better this time,” dagdag pa ng tubong Zamboanga City .
Isa sa pitong anak ng isang tricycle driver na nagsimulang magbuhat sa edad na 11-anyos, magtutungo si Diaz ngayong gabi sa Hong Kong bago dumiretso sa London sakay ng isang Cathay Pacific plane.
Makakasama niya sa libreng training camp sina swimmers Jasmine Alkahldi at Jessie Khing Lacuna at shooter Brian Rosario na unang umalis noong nakaraang linggo.
Sa edad na 16-anyos, dinala ni Diaz ang national colors sa 2008 Beijing Olympics kung saan siya tumapos bilang pang 11 mula sa kabuuang 12 kalahok.
Sa naturang edisyon, bumuhat si Daiz ng 85 kilos sa snatch at 107k sa clean and jerk para sa kanyang 192k total.
Lalahok si Diaz sa women’s 58-kilogram division.