NEW YORK--Ibinigay ng NBA sa Boston Celtics ang isang 2013 second-round pick ng Oklahoma City Thunder mula sa isang kontrobersyal na trade na kinasangkutan ni Jeff Green, hindi naglaro ngayong season dahil sa isang heart surgery.
Sinabi ni NBA Commissioner David Stern na walang ebidensya na nagsasabing itinago ng Thunder ang impormasyon sa Celtics kaugnay sa tunay na kondisyon ni Green.
Alam ng mga cardiologists na may sakit sa puso si Green ngunit hindi ito ibinunyag sa Oklahoma City management at dapat ay sinabi rin sa Celtics.
Nakuha ng Boston si Green sa 2011 trade deadline sa isang kasunduan na nagdala kay Kendrick Perkins sa Oklahoma City.
Ang lahat ng NBA teams ay kailangang isiwalat ang kasaysayan ng isang player na nasangkot sa trade na maaaring makaapekto sa kanyang paglalaro at kinabukasan.
Sa Detroit, dinala ng Detroit Pistons si guard Ben Gordon at isang future first-round draft choice sa Charlotte Bobcats kapalit ni swingman Corey Maggette na nagbawas sa kanila ng halos $15 milyon sa salary cap.
Nagtala si Gordon ng average na 12.5 points sa nakaraang season, tampok ang 45 points niya laban sa Denver Nuggets kung saan niya dinuplika ang kanyang NBA record sa pagsalpak ng 9-for-9 shooting sa 3-point line.
Tatlong seasons ang itinagal ng 2005 NBA Sixth Man of the Year sa Detroit.