MANILA, Philippines - Binalikat ni Carlo Lastimosa ang College of St. Benilde upang angkinin ang 70-61 panalo kontra sa Lyceum of the Philippines sa 88th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagwala ang skipper ng Blazers sa huling yugto nang ibagsak ang 10 sa 14 naitalang puntos para pangunahan ang pamatay na atake na nagbangon sa tropa ni coach Richard Del Rosario mula sa 51-57 iskor may 8:29 sa orasan.
Mula rito ay nagpasabog ang Blazers ng 14-0 bomba at si Lastimosa ay may anim na puntos mula sa turnovers ng Pirates para sa 65-57 abante nila.
Ang panalo ay naglagay sa St. Benilde kasalo ang Letran, San Beda at Jose Rizal University sa liderato tangan ang 1-0 baraha, habang may 0-1 karta ang Lyceum kagaya ng San Sebastian, Mapua at Arellano.
Naunang nagdomina ang Blazers at hinawakan ang 33-31 bentahe sa halftime pero gumana ang shooters ng Pirates sa pamumuno ni Ryan Cayabyab para ibigay sa tropa ni coach Bonnie Tan ang 46-40 bentahe.
Nagtulung-tulong sina Jonathan Grey at Juan Taha sa 9-2 palitan upang agawin muli ang liderato, 49-48, pero tinapos ng Pirates ang ikatlong yugto mula sa limang freethrows patungo sa 53-49 bentahe.
Apat na puntos mula kay Shane Ko ang naglayo sa Pirates sa 57-51, pero nanlamig ang Lyceum, habang pinagningas ni Lastimosa, may 6 rebounds at 6 assists, ang Blazers patungo sa malakas na pagtatapos.