MIAMI--Halos hindi makatayo si LeBron James at hindi rin makatakbo. Ang maganda lamang ay maaari siyang tumira.
Ipinagpag ni James ang kanyang kaliwang leg cramps para isalpak ang isang tiebreaking 3-pointer sa 2:51 sa fourth quarter at pinigilan ng Miami Heat ang paghahamon ng Oklahoma City Thunder para sa kanilang 104-98 panalo sa Game 4 at iposte ang malaking 3-1 lead sa NBA Finals.
“Was just trying to make a play,’’ sabi ni James. “If I was out on the floor, I wanted to try to make a play with the limited mobility I had at that time, and I was happy I was able to come through.’’
Nakatakda ang Game 5 sa Huwebes sa Miami kung saan may tsansa si James na wakasan ang kanyang siyam na taong pagkauhaw sa kauna-unahan niyang NBA title sapul nang maglaro sa Cleveland Cavaliers.
“Of course it’s there to think about,’’ ani James, making it clear he plans to play. “I’ll be ready for Game 5.’’
Humakot si James ng 26 points, 12 assists at 9 rebounds, nabigong makamit ang isang triple-double dahil siya ay naupo sa bench dahil sa leg cramps.
Tumapos si Mario Chalmers na may 25 points kagaya ni Dwyane Wade para sa Miami.
Tumipa naman si Russell Westbrook ng 43 points para sa Thunder, sinayang ang itinayong 17-point lead, habang may 28 si Kevin Durant.
Tanging sina Westbrook at Durant lamang ang mga Thunder players na nakaiskor sa huling 16:46, habang nagtala si James Harden ng 8 points sa likod ng kanyang masamang 2-of-10 fieldgoal shooting.
Bumagsak si James sa sahig mula sa kanyang drive sa gitna ng fourth quarter bago isalpak ang isang short jumper na nagbigay sa Miami ng 92-90 abante laban sa Oklahoma City.
Matapos imintis ni Westbrook ang kanyang jumper para sa Thunder, tumawag ng timeout ang Heat kasabay ng paika-ikang paglakad ni James na ginabayan ng dalawa niyang kakampi sa gilid ng kanilang bench.
Makaraang itabla ni Chris Bosh ang laro, tumipa naman si James ng isang tres para ilayo ang Heat sa 97-94 kasunod ang layup ni Wade na nagbaon sa Thunder sa 99-94 sa huling 2:19 ng laro.