MANILA, Philippines - Hinirang ng Malacañang kahapon si dating golf player Wigberto Clavecilla bilang kapalit ni dating PBA player Chito Loyzaga sa posisyon ng Commissioner sa Philippine Sports Commission.
Bumaba sa kanyang puwesto si Loyzaga noong Abril 30.
Makakasama ni Clavecilla sa komisyon sina Commissioners Akiko Thomson, Buddy Andrada at Jolly Mendoza.
Siya ay konektado sa Clavecilla Radio System, ang pioneer sa telecommunications industry sa bansa na ngayon ay kilala bilang Globe Telecommunications, at nagsilbi na rin ito sa iba’t-ibang posisyon sa AT&T, Universal Export Inc., AIESEC Philippines at Express Telecommunications Co., Inc.
Samantala, sinabi naman ni Chef De Mission Manny T. Lopez na parehong may mga tsansa sina boxer Mark Anthony Barriga, shooter Brian Rosario, Fil-Japanese judoka Tomohiko Hoshina, Fil-Am BMX rider Daniel Caluag, lady weightlifter Hidylyn Diaz, swimmers Jasmine Alkhaldi at Jessie Lacuna, long jumper Maristella Torres at steeple chaser Rene Herrera na manalo ng medalya sa 2012 Olympic Games sa London.
“Iba na po ang sitwasyon ngayon. Ang feeling ko po, lahat ‘yan ay mga medal contenders,” ani Lopez.