San Miguel nais makauna sa Warriors

MANILA, Philippines - Itataya ng San Miguel Beermen ang magandang imahe ng koponan sa la­ra­ngan ng basketball la­ban sa mainit na koponan ng Indonesia Warriors sa pagbubukas ng 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Unang taon ito ng Beermen sa regional basketball league pero naipakita na nila ang taglay na kalidad nang hirangin bilang number one team matapos ang triple round elimination.

Ang Warriors ay hindi pinatikim ng panalo ng tropa ni coach Bobby Parks Sr. sa tatlong pagkikita ngunit hindi ito maaaring maging basehan sa kalalabasan ng tagisang itinakda sa ganap na alas-4 ng hapon.

“We’re starting from scratch. Both teams made changes in our lineups along the way and while we’ve played each other thrice, this is the first time that we will be facing each other with our new additions,” wika ni Parks.

Pumasok sa Beermen sina Nick Fazekas at Chris Banchero para isama kina Duke Crews at Leo Avenido.

Ang apat na ito ang si­yang nagtulung-tulong nang talunin nila ang Westports Malaysia Dragons sa kanilang best of three se­mis series sa 2-1 iskor.

Si Evan Brock at Stanley Pringle ang mahala­gang dagdag sa Warriors na may Steve Thomas, Mario Wuysang at Jeric Canada na sinasandigan.

Mula ng dumating sina Brock at Pringle, hindi pa natalo ang koponan sa huling pitong laro, kasama ang 2-0 sweep sa AirAsia Philippine Patriots.

“Brock is still not 100 percent because of his groin injury but the two week break help him and that will not be an issue at all,” pahayag ni Warriors coach Todd Purves.

Dahil parehong mala­lakas ang starters ng mag­kabilang koponan, nakikita nina Parks at Purves na may mahalagang role ang kanilang bench para makuha ang mahalagang pa­nalo.

Show comments