MANILA, Philippines - Matapos mapagharian ang Filoil Flying V Pre-Season Hanes Cup, aasamin ng National University ang mas malaking UAAP title.
Ang NU Bulldogs ang siyang host ng 75th season at balak nilang lagyan ng kinang ang hosting na ito sa pamamagitan ng pagsungkit sa pinakamahalagang kampeonato sa mga sports na pinaglalabanan at ito ay ang men’s basketball.
Tinalo ng Bulldogs ang La Salle, 64-54 sa finals noong Martes at si Bobby Parks Jr. ay may 19 puntos habang si Emmanuel Mbe ay humakot ng 13 puntos at 15 rebounds.
Alam naman ni coach Eric Altamirano na iba ang kalidad ng nasabing torneo at ng UAAP pero makakatulong ang panalong ito para tumaas ang kumpiyansa ng manlalaro at matatak sa isipan ng mga katunggali sa liga na hindi puwedeng biruin ang Bulldogs sa papasok na season.
“The team has been playing for a long time that the chemistry will not be a problem. Parks and Mbe will be our main players but this time we have other weapons since we have other players who are shooters and big men who can shoot,” wika ni Altamirano.
Taong 1954 pa huling nakatikim ng kampeonato ang NU sa basketball kaya’t uhaw na uhaw na ang koponan.
“We have good chances this year but our first goal is to make it to the Final Four,” pahayag naman ni basketball consultant at ama ni Parks na si Bobby Sr.
Makikilatis agad ang lakas ng Bulldogs sa UAAP sa pagbubukas ng liga sa Hunyo 14 sa pagbangga sa University of the East sa unang laro sa alas-2 ng hapon sa bagong gawang Mall Of Asia Arena.