MANILA, Philippines - Asahan na mas mainit ang magaganap na tagisan sa pagitan ng Ateneo at UST sa Linggo na kung saan nakataya rito ang kampeonato sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart.
Tiyak na preparadung-preparado ang nagdedepensang Lady Eagles at six-time champion Lady Tigresses bunga ng pagkakaroon ng apat na araw na break sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza.
Binuhay pa ng Ateneo ang hangaring maidepensa ang hawak na titulo sa ligang may suporta rin ng Accel at Mikasa nang isubi ang 25-17, 22-25, 25-21, 28-26 tagumpay noong nakaraang Martes upang itabla ang best of three series sa 1-all.
Si Alyssa Valdez ay mayroong 31 puntos na kinatampukan ng 22 kills at 8 service aces pero may suporta siya sa ibang kasamahan tulad ng off the bench na si Ella de Jesus na gumawa ng apat na puntos sa fourth set na napanalunan ng Lady Eagles.
Isang bagay na pilit na pag-iibayuhin ng koponang hawak ni coach Roger Gorayeb ay ang kanilang errors na kinakitaan ng 19 puntos ng UST.
“Tense sila sa laro kaya maraming errors,” wika ni Gorayeb.
Ang UST naman ay aasang mananatiling matibay ang larong ipakikita nina Judy Caballejo, Maika Ortiz, Maruja Banaticla at 6’2 Thai import Utaiwan Kaensing.
Ang mga nabanggit na manlalarong ito ay nagsanib sa 58 hits pero minalas sila na napunta ang break sa Ateneo sa mahahalagang tagpo ng laro upang maitakda ang deciding game.
Isang manlalaro rin na aasahan ni coach Odjie Mamon ay ang beterana at dating MVP na si Mary Jean Balse na aasahan ang kanyang liderato para sa puno ng tensyong huling tunggalian ng dalawang koponan.