LOS ANGELES - Hindi nananaginip si Manny Pacquiao nang sabihin niyang nakikita niya ang imahe ni Timothy Bradley sa loob ng Wild Card Gym.
Gusto lamang niyang matawa.
“Nakikita ko mukha ni Bradley,” sabi ni Pacquiao na nagpapawis sa speed ball sa kanyang two-hour workout.
Sinuntok ni Pacquiao ang speed ball na halos matanggal na ito sa pader.
Ito rin ang tiyak na ipinakita niya sa kanilang five-round sparring session ni Russian Ruslan Provodnikov. Halos hindi sila huminto at ibinigay ang lahat ng kanilang makakaya.
Tinamaan si Pacquiao ng isang low blow na nagpatigil sa aksyon. Naipit rin siya at nakorner sa sulok. Ngunit palagi naman siyang nakakawala at nakakaganti.
Ngunit sa kabuuan, masaya ang pakiramdam ni Pacquiao sa training. Kinanta niya ang “Pumapatak Na Naman Ang Ulan” ng Apo Hiking Society.
Ang boksingerong hindi pa natatalo matapos mabigo kay Erik Morales noong Marso ng 2005 ay hindi na makapaghintay para sa kanilang suntukan ni Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand.
Kapag masaya si Pacquiao, masaya rin si Freddie Roach.
Hinarap ni Pacquiao ang higanteng salamin at nag-shadow-boxed bago napansin ang mga Pinoy scribes.
“Relax lang kayo,” wika ni Pacquiao.
Maigting namang nagsasanay si Bradley para sa pinakamalaki niyang laban.
Sa third episode ng 24/7 ng HBO, sinabi ni Bradley na tapos na ang kanyang training at tila pagod na siya.
“I’m sick of training I (can) fight tomorrow. I (can) fight tonight,” wika ni Bradley, pinanatili ang kanyang istriktong vegetarian diet.
“I train like no other,” sabi ni Bradley. “Fights are won in the gym.”