MANILA, Philippines - Umabot sa 700 ang mga aspirante sa dragonboat at canoe-kayak competitions para sa 2012 Philippine Olympic Committee (POC)-Philippine Sports Commission (PSC) National Games.
Sinabi ni Lenlen Escolante, ang national coach ng Philippine Canoe Kayak Federation Inc. (PCKF), na nagpalista ang mga pinakamagagaling na dragonboat teams at canoe-kayak paddlers para sa kompetisyon na idaraos sa Biyernes hanggang Linggo sa Lake Caliraya sa Laguna.
Ilan sa mga dragonboat teams na nagpalista ay ang Manila Dragons, Laguna Rapids Paddlers, Manila Wave, Philippine Navy, Boracay Bombshell, University of the Philippines, Manila Paddlers, 1925 Team, Spitfire Dragons, PDRT, Aqua Fortis, Pyros, Dragon Pilipinas, Lake Buhi of Camsur, Accenture at ang PCKF National Team.
Ang mga mangungunang koponan ay ilalagay sa national pools ng dragonboat at canoe-kayak, ayon kay PCKF president Sim Chi Tat.
Inangkin ng Navy teams ang mga gold medals sa men’s at mixed team events, habang ang Boracay Bombshell ang kumuha sa women’s title sa nakaraang Boracay International Dragonboat Festival noong Abril.