Preparasyon ni Pacman perpekto na

LOS ANGELES VIA PCSO --“Perfect, everything ‘s perfect,” anang chief trainer na si Freddie Roach patungkol sa huling linggo ng pagsasanay ng eight-division world champion na si Manny Pacquiao sa Wild Card Gym dito.

Sinabi ng sikat na coach na nakumpleto na ni Pacquiao ang pinakamahirap na bahagi ng kanyang paghahanda noong nakaraang Sabado at Linggo, at mahusay ang pagsasanay ng 33-taong gulang na boxing icon bilang paghahanda sa kanilang laban ni Timothy Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Las Vegas.

Dagdag pa niya, handa nang sumabak sa giyera si Pacquiao.

“Ok na lahat, power, strength, speed, stamina. Kaunti na lang ang aayusin, handa na akong lumaban,” ani Pacquiao na sinabi ring ayos na ang kanilang game plan at istratehiya at kailangan na lamang ipinalisa ito.

Dahil maayos na ang lahat, nagpasya ang Hall of Fame trainer na maghihinay-hinay na muna sa kanilang fine-tuning program.

Higit na sa 90 rounds ng sparring ang nagawa ng Pambansang kamao laban sa mga regular niyang sparringmates, na sina welterweight Ruslan Provodnikov, lightweight Rustam Nugaev at ang feather­weight na si Kevin Hoskins.

Katulad ng kay Bradley ang lakas ni Provodnikov, samantalang ang bilis at liksi naman ng hindi pa natatalong American challenger ang mayroon kina Nugaev at Hoshkins. 

Sa nakaraang tatlong linggo, 10 hanggang 12 rounds ang sparring ng Filipino boxing champ. Ibababa ito sa walo, pito, anim at apat na rounds sa darating na linggo.

Show comments