SMART All-Women's taekwondo tourney
MANILA, Philippines - Ang mga babaeng jins naman ang aagaw ng eksena sa local sports sa pagtatanghal ng 2012 SMART national All-Women’s taekwondo championships sa Hunyo 3 sa Ninoy Aquino Stadium.
Tinatayang aabot sa 600 fighters na hinati sa tatlong kategorya--senior women, junior women at grade school girls ang inaasahang maglalaban-laban para sa karangalan, ayon kay organizing committee chairman Sung Chon Hong.
Inaasahan ding sasabak ang mga miyembro ng national team pool sa aksyon sa nasabing event na suportado ng SMART Communications Inc., MVP Sports Foundation, PLDT, Philippine Sports Commission at Milo.
“This competition gives veterans as well as upcoming jins a chance to demonstrate effective techniques and styles,” ani Hong, na siya ring vice president ng Philippine Taekwondo Association.
Makikiisa rin ang mga jins mula sa iba pang PTA affiliates at branches sa buong Metro Manila at probinsiya maging sa iba’t ibang military services sa isang araw na tournament.
Isa sa top provincial performers si Phoevi Keith de Guzman, mainstay ng Baguio Defenders na nagningning sa nakaraang MVP Best of the Best championship.
Ang aksyon ay sisimulan sa alas-9 ng umaga.
- Latest
- Trending