4 teams mag-uunahang makalapit sa Finals

MANILA, Philippines - Mahalagang unang pa­nalo ang paglalabanan ng apat na nakatayong ko­ponan sa pagsisimula ng semifinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart ngayon sa The Are­na sa San Juan.

Ang nagbabalik na 6-time champion UST ay ma­kikipagsukatan sa San Sebastian sa ganap na alas-2 ng hapon bago sundan ng pagkikita ng nagde­depensang kampeon na Ateneo laban sa NCAA champion Perpetual Help dakong alas-4.

Maigsing best-of-three series ang semis sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza kaya’t mahalaga ang hahawakang 1-0 bentahe ng mananalong koponan para maisakatuparan ang pag-abante sa cham­pion­ship round na inilagay din sa isang best-of-three se­ries.

Bitbit ng Lady Tigresses ang 3-0 panalo sa Lady Stags sa kanilang pagkikita sa elimination round pero para kay UST coach Odjie Mamon, wala na itong ha­laga dahil ang pinaglalabanan na nila ay puwesto sa Finals.

Dahil dito, ang UST na tumapos sa ikalawang puwesto sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa sa 6-1 karta, ay aasa sa husay nina dating MVP Mary Jean Balse, Thai import Utai­wan Kaensing bukod pa kina Maika Ortiz, Maruja Banaticla at Judy Caballejo.  

Show comments