P1.18B kikitain ni Pacman vs Bradley
MANILA, Philippines - Inaasahang pupuntahan ng BIR si Manny Pacquiao sa kanyang pagbabalik sa bansa matapos ang kanilang laban ni Timothy Bradley.
Sinabi ng promoter ni Pacquiao na si Bob Arum na inaasahang tatanggap ang 33-anyos na boxing icon ng halos $26 milyon o P1.18 billion para sa kanyang susunod na laban.
“Manny Pacquiao is guaranteed twenty-six million dollars,” sabi ng chairman ng Top Rank Promotions sa ESNewsReporting.com.
Si Pacquiao ang pinakamayamang congressman sa Piliinas at inaasahang mananatili ito matapos ang kanyang laban kay Bradley sa Hunyo 9 sa MGM Grand.
Ito ang magiging pinakamalaking fight purse ni Pacquiao na kumita ng $15 million laban kina Oscar dela Hoya, Antonio Margarito at Shane Mosley at $20 million kontra kay Juan Manuel Marquez noong Nobyembre.
Makakatanggap si Pacquiao ng millions sa pay-per-view, ticket sales at iba pa.
Si Bradley, ang undefeated American, ay may guaranteed purse na $5 million.
Palaging gumagawa ng balita si Pacquiao kahit sa labas ng boxing ring.
Kamakailan ay nagbida ang congressman mula sa Sarangani ukol sa kanyang paninindigan sa same-sex marriage na ikinainis ng gay community.
Ngunit niliwanag naman ni Pacquiao ang kanyang pahayag.
Sa pagsisimula ng taon ay ginulo siya ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Noong 2008, hinirang si Pacquiao bilang top individual taxpayer nang magbayad ng buwis na P125 million. Pero sinabi ng BIR na nagbayad lamang siya ng P7 million noong 2011.
- Latest
- Trending