Tigers minalas sa Energy

MANILA, Philippines - Matapos humakot ng 27 points, tampok ang 4-of-9 shooting sa three-point line, at 18 rebounds sa first half, nangatal sa ka­pa­guran si import Jamine Peterson.

At nang hindi na maka­gulapay si Peterson, sinandigan naman ni coach Junel Baculi sina two-time PBA Most Valuable Player Willie Miller, Danny Seigle, Ronald Tubid at Don Allado sa second half para sa unang panalo ng Energy.

Tinalo ng Barako Bull ang minamalas na Powerade, 106-101, sa elimination round ng 2012 PBA Governors Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

“I’m a little bit windy pla­ying hard for the fans,” sabi ni Peterson, tumapos na may 33 points at 22 boards.

Ipinoste ng Energy ang malaking 16-point lead, 27-11, sa dulo ng first period bago nakabangon ang Tigers para agawin ang unahan sa 58-52 sa 8:59 ng third quarter sa likod nina import Rashad McCants, Sean Anthony at Rabeh Al-Hussaini.

Nagtuwang sina Allado, Tubid, Miller, Sean Weisntein at Sunday Salvacion upang ilista ang 91-80 kalamangan ng Energy hanggang muling makalapit ang Tigers sa 97-101 agwat sa huling 57.2 segundo mula kina McCants at Gary David.

Ang basket nina Seigle at Peterson ang muling naglayo sa Barako Bull sa 105-98 sa natitirang 17.4 segundo upang tuluyan nang selyuhan ang kanilang panalo sa Powerade.

Show comments